MANILA, Philippines — Isinusulong ng Trabaho Partylist ang paglikha ng isang centralized database ng job vacancies bilang isa sa mga pangunahing hakbang sa pagpapatupad ng Trabaho Para sa Bayan Act.
Ayon sa grupo, ang naturang database ay makakatulong na gawing mas episyente ang paghahanap ng trabaho, lalo na para sa mga bagong graduate ng Kolehiyo at Senior High School, at makakapagbigay ng mas mabilis na access sa mga bakanteng posisyon mula sa iba’t ibang kumpanya sa bansa.
Giit ng Trabaho Partylist, sa pamamagitan ng isang komprehensibong database, magkakaroon ng mas sistematikong job matching kung saan madaling mapagtatagpo ang kakayahan ng manggagawa at pangangailangan ng mga employer.
Layunin din ng partido na mapabilis ang proseso ng pagpasok sa trabaho ng mga Pilipino, kasabay ng pagtugon sa posibleng pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho.
Ang Trabaho Para sa Bayan Act ay naglalaman ng 3-year, 6-year, at 10-year employment plans na tutugon sa mga pangangailangan ng manggagawa at magbibigay ng insentibo sa mga negosyo upang mapalakas ang kanilang employment at operasyon.
Gayunpaman, giit ng Trabaho Partylist, hindi sapat ang pagkakaroon ng batas. Kailangan ng matinding pagtutok at monitoring upang masigurong maayos ang pagpapatupad ng mga plano.
Dagdag pa rito, isinusulong ng Trabaho Partylist na obligahin ang iba’t ibang industriya na maglabas ng kanilang manpower projections para sa susunod na 3, 6, at 10 taon.