Karagdagang benepisyo sa manggagawa giit, kahit bumababa unemployment rate
MANILA, Philippines — Bumaba man ang unemployment rate mula 4.9% noong nakaraang taon na ngayo’y 4.7%, hindi dapat tumigil ang pagsulong sa karagdagang sahod at benepisyo sa mga manggagawa.
Giit ni Trabaho Partylist spokesperson Atty. Filemon Ray L. Javier na dapat pa ring pagtuunan ng pansin ang pagpapataas ng sahod at paghandog ng dagdag benepisyo bilang tugon sa patuloy na panawagan ng mga manggagawa.
Ayon sa Trabaho Partylist, magandang ulat man na may trabaho kahit papaano ang mga manggagawa, ngunit hindi dapat tumigil dito ang pag-unlad, subalit dapat pang isulong ang mataas na kalidad ng trabaho, disenteng sahod at dagdag benepisyo.
Dagdag din ni Atty. Javier na dapat pa ring tutukan ang pagkontrol ng inflation at pagpapaganda ng kalidad ng trabaho, na kabilang sa mga “most urgent national concerns” ng mga mamamayan.
Kinilala rin ng Trabaho Partylist ang tagumpay ng administrasyon matapos ito makapagdagdag ng halos isang milyong trabaho sa bansa kumpara noong nakaraang taon, partikular sa sektor ng konstruksyon.
Ngunit, kahit bumaba ang unemployment, mayroon pa ring 2.38 milyong Pilipino na walang trabaho noong Hulyo 2024, at isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang pagpasok ng mga bagong graduate sa labor market na hindi agad nakahanap ng trabaho.
- Latest