MANILA, Philippines — Sasagutin ng gobyerno ang mga bayarin sa mga pampublikong ospital ng mga pasyenteng naka- confine at sumasailalim sa gamutan.
Inihayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglulunsad ng “Agri-Puhunan at Pantawid Program” sa Guimba, Nueva Ecija.
Ang nasabing hakbang ay regalo ng Pangulo sa pagdiriwang ng kanyang ika-67 kaarawan sa pamamagitan ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” program.
“Kaya po sa araw na ito, sasagutin po natin ang lahat ng bayarin ng mga pasyente sa lahat ng pampublikong Level 3 hospital sa bansa katulad ng Dr. Paulino Garcia Memorial Hospital dito sa inyo,” sabi pa ng Pangulo.
Para matupad ang kanyang pangako, maglalabas ang Department of Health (DOH) ng P328 milyon sa may 22 tertiary hospitals sa buong bansa para tugunan ang gastusin ng mga pasyente.
Kabilang sa mga tertiary hospitals sa Metro Manila ang Philippine General Hospitals (PGH); Philippine Orthopedic Center; Philippine Heart Center; Philippine Childrens Medical Center (PCMC); National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ; Lung Center of the Philippines; Jose R. Reyes Memorial Hospital at East Avenue Medical Center.
Sa Luzon: Ilocos Training and Regional Medical Center; Cagayan Valley Medical Center; Bicol Medical Center; Batangas Medical Center; Batanes General Hospital at Dr. Paulino J. Garcia Memorial Medical Center.
Visayas: Vicente Sotto Memorial Hospital; Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital; Eastern Visayas Regional Medical Center.
Mindanao: Amai Pakpak Medical Center; Davao Regional Medical Center; Cotabato Regional Medical Center; Mayor Hilarion Ramiro Sr. Medical Center at Zamboanga City Medical Center.
Ang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” program ay inilunsad nitong Biyernes na sabay-sabay na distribusyon ng tulong ng gobyerno sa may 82 lalawigan sa bansa katuwang ang ibat-ibang ahensiya ng gobyerno para mapabuti ang buhay ng mga Filipino.