MANILA, Philippines — Naghain ng not guilty plea si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at apat pa niyang kapwa akusado nang basahan ng sakdal sa kasong qualified human trafficking na kinakaharap sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159 kahapon.
Mismong ang abogado ni Quiboloy, na si Atty. Israelito Torreon, ang nagkumpirma nito, nang makapanayam ng media matapos ang isinagawang arraignment sa mga akusado.
Paliwanag ng abogado, walang kasalanan ang kanyang kliyente kaya’t naghain ng not guilty plea sa hukuman.
Kinumpirma rin niya na ang susunod na pagdinig sa naturang non-bailable offense ay itinakda ng hukuman sa Oktubre.
Nabatid na dakong alas-7:40 ng umaga nang dumating si Quiboloy sa korte mula sa Camp Crame, habang inieskortan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Nakasuot siya ng protective helmet at bulletproof vest at nakasuot ng face mask at sunglasses.
Kasama niyang humarap sa hukuman ang mga kapwa akusado na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemane.
Nang mahingian ng mensahe para sa kanyang mga tagasunod, sinabi ng pastor na magpakatatag ang mga ito.
Kaugnay nito, nagdesisyon din ang hukuman na mananatiling nakapiit si Quiboloy sa Camp Crame dahil sa security risk, kung saan kaagad siyang ibinalik matapos ang arraignment.
Ang kanyang mga kapwa akusado naman ay ililipat na sa Pasig City Jail.