MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa isang uri ng imported mpox vaccine na sinasabing available na sa bansa.
Sa inilabas na health advisory kahapon, sinabi ng DOH na nakarating sa kanilang kaalaman na may organisasyon o mga indibidwal ang nag-aalok ng naturang imported mpox vaccines.
Kaugnay nito, binalaan naman ng DOH ang publiko na kaduda-duda ang bisa at kaligtasan ng mga naturang bakuna dahil ang mga ito ay ipinasok sa bansa nang hindi dumaraan sa kanilang ahensiya at maging sa Food and Drug Administration (FDA).
Paliwanag ng DOH, ang mpox vaccines ay nangangailangan ng maayos na storage at handling condition, gaya ng cold chains.
Kung wala anila ang masusing pagbabantay ng DOH at FDA, walang paraan upang matiyak ang kaligtasan at bisa ng naturang bakuna.
Payo pa ng DOH, mas makabubuting mag-avail na lamang ng bakuna laban sa mpox, sa sandaling nasa bansa na ito, upang magkaroon ng tunay, ligtas at epektibong bakuna.