Dahil sa napipintong pagpapasara sa ‘Kalangitan’
MANILA, Philippines — Nangangamba si Sen. Raffy Tulfo na posibleng bumalik ang mga lokal na pamahalaan ng Central at Northern Luzon sa paggamit ng illegal dumpsites at magpaagos na lang ng liquids sa mga ilog na makapagpapalala sa mga pagbaha sakaling maipasara ang Kalangitan Sanitary Landfill sa Capas, Tarlac sa susunod na buwan.
“Kapag aalisin po natin ang Kalangitan Landfill – the necessary effect would be that these local government units served by the landfill – would revert to dumping into our waterways and other illegal dumpsites which run the risk of not only poisoning our water supply but would also increase our vulnerability to flooding,” ani Tulfo sa kanyang privilege speech sa Senado noong Martes.
Sinabi rin ng senador na ang napipintong pagpapasara sa landfill ay isang napakalaking banta sa kalikasan at kalusugan ng mga mamamayan ng dalawang rehiyon.
Ang Kalangitan Landfill ay ang nag-iisang engineered sanitary landfill na nagsisilbi sa 150 lokal na pamahalaan at mga industriya, kabilang na ang mga pribadong ospital, sa nakalipas na 25 taon.
Dito rin nagtatapon ng hospital wastes ang karamihan ng mga ospital sa Metro Manila.
Ipinatitigil ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) and Clark Development Corporation (CDC) ang operasyon ng Metro Clark Waste Management Corporation (MCWM), ang operator ng 100-ektaryang Kalangitan Landfill, kahit anila’y sa Year 2049 pa mag-e-expire ang kanilang kontrata.
Kaugnay nito, ipinababawi ni Tulfo sa BCDA at CDC ang pagpapasara sa Kalangitan Landfill matapos ang Oktubre 5, isang plano na tinututulan din ng mga local government units na pinagsisilbihan ng MCWM, lalo’t lilikha ito ng mga problemang pangkalikasan.
“Mula noon at hanggang ngayon, basura pa rin ang ating problema mula sa maliliit na munisipyo hanggang sa pinakamalalaking siyudad,” ayon sa chairman ng Senate Committee on Public Services.
Nagtataka si Tulfo kung bakit inaprubahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapasara sa Kalangitan Landfill gayong taliwas ito sa polisiya ng departamento na itinatakda ng batas.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ng lawmaker ang BCDA at DENR ukol sa kanilang naging hakbang at kailangan nilang patunayan sa publiko na hindi mauuwi sa isa na namang sakuna ang kanilang naging pagpapasiya.