MANILA, Philippines — Mananatili sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy at apat pang kasamahan nito sa kabila ng utos ng korte na ilipat sa Quezon City Jail ang mga akusado.
Inihayag ito ni Philippine National Police spokesperson PCol. Jean Fajardo matapos iutos din ng korte sa Pasig na manatili si Quiboloy at ang iba pa sa PNP Custodial Center.
“Meron din pong inilabas na order po ang RTC Pasig directing the PNP to retain the custody nitong mga nasabing indibiduwal dahil ‘yung kaso po nila sa Pasig po ay non-bailable po,” ani Fajardo.
Binigyan diin ni Fajardo na hindi nila maaaring isugal ang paglilipat ng custody kay Quiboloy at sa apat na iba pa sa posibilidad na magpiyansa ang mga ito at mawalan ng kontrol ang PNP.
“So we don’t want to run the risk na ilipat po sila doon po sa QC tapos po mag-bail po sila. Wala na pong kontrol ang PNP doon. We just have to really harmonize po itong mga court order na ito,” aniya pa.
Nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa Pasig Regional Trial Court Branch 159 sina Quiboloy. Non-bailable ang nasabing kaso sa ilalim ng Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking of Persons Act of 2003.
Una rito ay tiniyak ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera na handa na ang QC Jail sa pagdating ni Quiboloy at iba pang kasamahan nito.
Kasunod ito ng inilabas na kautusan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 106 Presiding Judge Noel L. Parel na ilipat sa QC Jail sa Payatas Road sina Quiboloy at Cresente Canada New Quezon City Jail habang sa Quezon City Jail - Female Dormitory sa Camp Karingal naman sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes.