MANILA, Philippines — Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) upang matukoy kung sinu-sino ang mga taong tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo upang makatakas ng Pilipinas noong Hulyo.
Sa kanyang pagdalo sa MACHRA Balitaan ng Manila City Hall Reporters Association (Machra) sa Harbor View sa Maynila kahapon, tiniyak ni NBI Director Jimmy Santiago na hindi rin sila naniniwalang walang Pinoy o opisyal na kasabwat si Guo upang makalabas ng bansa.
Hindi rin aniya nila sinasabing mula ito sa Bureau of Immigration (BI).
Paliwanag niya, “Remember, nakalabas siya, backdoor ‘yun oh established ‘yun backdoor, hindi dumaan sa immigration point.”
Inaalam na rin ng NBI kung bukod kay Guo, ay may mataas pa bang opisyal na sangkot sa POGO.
“Sabi ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na merong mga nagpoprotekta sa kanya, maaaring government official ngayon, siyempre ho sukob na si Alice kaya sinabi nga ni Alice na may tumatawag sa kanya sa telepono na patatahimikin siya para huwag nang kumanta,” pahayag pa ng NBI chief.
Paniniguro pa ni Santiago, hindi rin nila ipinagwawalambahala ang umano’y banta sa buhay ni Guo.
Samantala, nagpaliwanag din si Santiago at muling humingi ng paumanhin hinggil sa pagpapa-selfie ng kanyang mga tauhan nang sunduin nila si Guo mula sa Indonesia upang iuwi sa Pilipinas.
Tiniyak niya na ire-reprimand ang mga ito at hindi na muli pang mauulit ang naturang pangyayari.