MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Iloilo City Mayor Jerry P. Treñas ang mga bunga ng tagumpay na nakamit ng lungsod sa ilalim ng kanyang pamumuno kasabay ang katiyakang ipagpapatuloy ang pag-unlad nito sa isinagawang 2024 State of the City Address (SOCA).
Sa kanyang talumpati nitong Lunes, Setyembre 9, hinimok ni Treñas ang lahat na maging responsableng mga pinuno at residente upang lalong mapalakas ang kalagayan ng lungsod.
“Iloilo City will continue to rise because we are a city built for more. Together, we build a city that is not just content with its present state but is constantly striving for more - more opportunities, more growth, and more prosperity for all,” saad ng alkalde.
Binanggit niya ang pagbaba ng poverty at unemployment rate sa lungsod, na nagpapakita ng positibong epekto ng mga programa ng lokal na pamahalaan sa buhay ng mga residente.
Mula sa 8.4 porsyento noong unang kalahati ng 2021, bumaba ang poverty incidence sa 6.8 porsyento sa parehong panahon ng 2023.
Hanggang Agosto nitong taon, ang Iloilo City ay nakapaglabas ng 18,868 business permit at 1,926 bagong aplikasyon para sa negosyo.
Ipinagmalaki rin ni Treñas ang pagkilala bilang panglima sa Most Competitive Highly Urbanized City sa bansa at nag-iisang lungsod sa Visayas at Mindanao na nakapasok sa Top 5.
Ilan sa mga kasalukuyang programa sa kalusugan at nutrisyon, at mga proyektong pang-imprastruktura tulad ng Level-2 Iloilo City Hospital at Medical Arts Building.
Espesyal na binanggit rin ang iba’t ibang programa ng lungsod tulad ng Rise-A-Farm, na itinanghal bilang finalist sa Galing Pook at DSWD Walang Gutom Award 2024; Iloilo City Sports Academy, na finalist sa Galing Pook 2023; Uswag Nutrition Center na may layuning puksain ang malnutrisyon; at ang pagsasaayos ng anim na district plaza pati na rin ang mga pampublikong palengke.
Ang lungsod ay nakapamahagi rin ng P50 milyon tulong pinansyal sa 15,000 residenteng nangangailangan.
Itinala ang Iloilo City bilang ika-8 pinakaligtas na lungsod sa Asya, batay sa Numbeo Southeast Asia Safety Index para sa 2023; at idineklara bilang insurgency-free city ng Joint Peace and Security Coordination Center (JPSCC).