MANILA, Philippines — Diretsahang sinagot ni House Appropriations Chairman Elizaldy Co ang paratang ni Vice Pres. Sara Duterte na siya at si House Speaker Martin Romualdez lang ang may hawak ng pambansang pondo.
Ayon kay Cong. Co sa akusasyon ni VP Sara, “Again, malaking pambubudol na naman nila ‘yan. Akala siguro nila hindi matalino ang taumbayan.”
“Ang Committee on Appropriations po ay may miyembro na 139 at ang vice chairmen ay 36,” paliwanag pa ni Co.
Dagdag pa ng mambabatas, daraan din sa pagsusuri ng 24 na senador ang pambansang budget pagkatapos ay hihimayin ng Bicameral Conference Committee ng Senado at Kongreso na may 30 namang miyembro.
“So, paano na dalawang tao lang ang may hawak ng national budget, e ang daming dinaraanan niyan,” ayon pa sa Ako Bicol partylist representative.
Dagdag pa ni Cong. Co, “Mukhang hindi alam ni VP na ang Office of the President ang mag-e-execute ng budget at hindi ang Congress.”
Hinamon din naman ni Rep. Co ang bise presidente na mas mainam na sagutin niya muna ang tanong ng Kongreso at ng Commission on Audit (COA) kung paano niya nilustay ang P125 milyon na confidential at intelligence fund sa loob lamang ng 11-araw.
“Bago siya mag-akusa ng kung anu-ano, kanino, e, sagutin niya muna ang tanong ng taumbayan - Saan mo dinala ‘yung pondo ng bayan?” aniya pa.
Nagtataka rin ang chairman ng appropriation kung bakit hindi dumalo kahapon si VP Sara sa budget hearing ng kanyang tanggapan.
Aniya, natatakot daw ba ang bise presidente at baka hindi na naman masagot ang mga tanong ng mga mambabatas?
Si Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta naman ang tila tumayo na tagapagsalita ng Office of the Vice President (OVP).