Bong Go: Halos 12 milyon na, natulungan ng Malasakit Centers

MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Senator Christopher “Bong” Go na halos 12 milyong Pilipino na ang natulungan ng mga programa ng Malasakit Center simula nang ito ay maitatag.

Lumalabas sa opisyal na datos ng Department of Health (DOH) na may kabuuang 11,828,630  pasyente ang nabigyan ng tulong ng Malasakit Cen­ters mula 2019 hanggang Mayo 2024.

Pinagsama-sama sa Malasakit Centers ang mga kinatawan mula sa DSWD, DOH, PhilHealth, at PCSO. Ang one-stop shop na ito ay sumusuporta sa mga mahihirap na pasyente na mabawasan ang kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamababang posibleng halaga.

Pinasimulan ni Go, ang programa ay napatunayang isang lifeline para sa mga nahihirapan sa gastusin sa pangangalagang pangkalusugan, lalo sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya at natural na kalamidad.

“Ang Malasakit Cen­ters ay bunga ng ating malasakit sa kapwa. Layunin natin na walang Pilipinong mahihirapan sa pagpapagamot dahil sa kakulangan ng pondo,” said Go. “Noong ako’y simpleng aide pa lamang, natutunan ko na ang serbisyo publiko ay dapat palaging may puso at malasakit.”

Mula sa simpleng pagsisimula nito noong 2018, ang Malasakit Centers ay patuloy na lumawak upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga pasyenteng Pilipino.

“Ang halos 12 milyong Pilipinong natulungan ng Malasakit Centers ay patunay na epektibo at kinakailangan ang programang ito,” ani Go.

Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program. Sa ngayon, 166 Malasakit Centers ang ­operational sa buong bansa.

Muling idiniin ni Go ang kanyang pangako na pagbubutihin pa ang access sa pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.

Show comments