MANILA, Philippines — Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang Philippine National Police (PNP) ang nanguna sa operasyon para maaresto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Sa isang ambush interview, nilinaw ng Pangulo na ang partisipasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay augmentation lamang na madalas namang nangyayari.
“Let’s be very clear, this was a police led operation, it was a police operation,” ayon pa sa Pangulo.
Paliwanag pa ni Marcos, na lahat ng intelligence services nitong mga nakalipas na buwan ay mula sa pulis at militar at maging sa civilian intelligence para malaman kung ano ang dapat gawin para madakip si Quiboloy.
Noong una rin aniya na pumasok ang PNP sa simbahan ng KOJC ay hapong-hapo matapos ang 24 at 36 oras kaya para makapahinga ay nagpadala sila ng mga sundalo.
Subalit nang makapagpahinga na aniya ang mga pulis ay umalis na ang mga sundalo at ito aniya ang standard procedure sa Pilipinas at madalas din ginagawa.
Sinabi rin ng Pangulo na nitong mga nakalipas na 2-3 linggo ay nakakatanggap sila ng feelers mula sa kampo ni Quiboloy subalit mayroon itong kondisyon tulad ng hindi siya dapat ibigay sa Amerika na hindi naman nila aniya pinayagan.
Nitong Linggo sa pagitan ng alas-8 o alas-9 ng umaga ay nakatanggap sila ng impormasyon sa impormante na handa nang sumuko si Quiboloy subalit sana ay mayroong presensya ng AFP.
Pumayag na aniya ang Pangulo sa kondisyon na ito kaya bandang alas-3:40 ng hapon ay lumipad ang C130 sa Davao at saka lumabas ng compound si Quiboloy at idiniretso na agad sa Maynila.