MANILA, Philippines — Nabigo ang Senado na mapaamin si Alice Guo na siya at si Guo Hua Ping ay iisa at mayroon siyang kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hub sa Tarlac.
“Ako si Alice Guo,” giit nang nasibak na alkalde sa tanong kung siya si Guo Hua Ping na isang Chinese national.
Sa pagdinig nitong Lunes matapos maaresto sa Jakarta ng Indonesian Police noong Setyembre 4, nanindigan din si Guo na siya ay Pilipino kahit pa muling iniharap sa kanya ang mga dokumento na nagsasabing iisa ang kanilang fingerprints ni Guo Hua Ping.
Halos isang oras iginisa si Guo tungkol sa kaniyang totoong pagkakakilanlan pero nabigo ang mga senador na mapaamin ang dating mayor.
Dahil sa hindi pag-amin na siya si Guo Hua Ping, muling pinatawan ng contempt ng komite si Guo na sinegundahan nina Senators Joel Villanueva at JV Ejercito.
“This is a blatant defiance of the legislative’s constitutional power of inquiry. Lumalabas na pinaglalaruan mo ang aming batas at pinapaikot mo ang mga Pilipino. Ibahin mo ang Senado,” ani Hontiveros.
Sumakay sa yate
Sa pagdinig, inihayag ni Alice Guo na tumakas siya sa Pilipinas sakay ng isang yate. Hindi niya alam kung sino ang may-ari ng yate na may markang “mga pakpak” pero sa huli ay napapayag siyang isulat sa isang papel kung sino ang “facilitator” para makasakay sila sa yate.
Mula sa yate ay sumakay aniya sila ng isang malaking barko kung saan naglakbay sila mula tatlo hanggang limang araw bago lumipat sa isang maliit na bangka bago pumasok sa Malaysia.
Pinanindigan ni Guo na walang Filipino na tumulong sa kanila na makalabas ng Pilipinas pero meron aniyang isang babaeng Asian ang nakasama nila.
Ayon naman kay Senate Presideng Pro Tempore Jinggoy Estrada, ang pangalan na isinulat ni Guo na hindi isiniwalat sa public hearing ay may hawak na limang pasaporte.
Sinabi ni Guo na hindi siya humingi ng tulong sa nag-facilitate ng kanilang pag-alis sa Pilipinas.
Death threats
Sa pagdinig sinabi rin ni Guo na mayroon siyang natanggap na death threats na nagsimula noong Hunyo.
Bagaman at tumanggi si Guo na ihayag ang detalye ng sinasabi niyang death threats, inamin nito na hindi niya kaagad inireport sa pulisya ang sinasabing pagbabanta sa kaniyang buhay.
“Gusto ko po i-discuss sa inyo, pero natatakot ako i-diclose sa public... Pasensya na po,” ani Guo.
Kabilang sa banta na kaniyang natatanggap ay mula sa taong nag-facilitate para makaalis siya sa pamamagitan ng yate.
Samantala, no show na naman sa pagdinig ang sinasabing “boyfriend” ni Guo na si Sual Mayor Dong Calugay.
Ilang beses na tinanong ni Estrada si Guo kung ano ang totoong relasyon nito kay Calugay pero sinabi ng dating mayor na magkaibigan lamang sila.
Iginiit ni Villanuena na padalhan na ng subpoena si Calugay dahil dalawang beses na nitong inisnab ang pagdinig.