Tulfo, ipinamamadali pagpasa ng Child Support Law
MANILA, Philippines — Ipinamamadali na ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo ang pagpasa ng panukalang batas, na inihain niya at mga kasamahan na sina Reps. Edvic Yap, Jocelyn Tulfo, Eric Yap, at Ralph Tulfo, hinggil sa pagsustento ng mga hiwalay na mga magulang sa mga menor de edad na anak.
Sa House Bill No. 08987 o ang “Act punishing the wilful failure to pay paternal child support,’ ay paparusahan ang magulang na hindi magsusustento sa anak o mga anak bagama’t may kakayahan naman itong magbigay ng buwanang sustento sa bata.
Ayon kay Tulfo, dumarami ang mga naghihiwalay na mga magulang taun-taon at ang mga bata ang kawawa.
“Bukod sa psychological impact dahil magiging broken family na sila, nawawala rin ang pinansiyal na suporta para sa mga gastusin sa bahay at pag-aaral ng mga bata,” ayon pa kay Tulfo na siya ring deputy majority leader sa mababang kapulungan.
Aniya, ang batas na ito ay sisiguro na kahit iwan ni mister si misis, may aasahan pa rin na tulong-pinansiyal sa ama ang mga menor de edad na mga anak.
Dagdag pa ng mambabatas, “nasa Konstitusyon din ito na kailangang pag-aralin, damitan, bigyan ng masisilungan at makakain ng mga magulang ang kanilang mga anak.”
May kaakibat na kulong na hanggang anim na taon sa sinumang magulang na sadyang hindi magsusustento sa kanilang mga anak.
- Latest