MANILA, Philippines — Inaasahang sa loob ng buwang ito ay malalaman na ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung may taong gobyerno at pribadong indibidwal na tumulong sa iligal na paglabas ng bansa ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Si Alice, kasama ang kapatid na si Wesley ar Shiela Guo ay sinasabing nakalabas ng Pilipinas sa kalagitnaan ng Agosto nang hindi natunugan ng Bureau of Immigration (BI). Naaresto ito ng mga awtoridad sa Jakarta, Indonesia at naibalik na sa Pilipinas nitong Biyernes.
“It’s coming to an end,” ani DOJ spokesman Asec. Mico Clavano na bagamat walang time frame na ibinigay ay nagsabing “it seems to be perhaps this month.”
“We can expect the results of the investigation will come out very soon,” aniya pa.
Hindi lamang public officials, kundi maging pribadong indibidwal na tumulong sa paglabas ng bansa ni Guo ay dapat matukoy, ani Clavano.
Una nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may mananagot matapos makalabas ng Pilipinas si Alice kasama ang mga kapatid na sina Wesley at Shiela, nitong kalagitnaan ng Agosto sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Kongreso sa illegal POGOs sa bansa.
Nabatid na ang magkakapatid na Guo ay nakalabas ng bansa matapos sumakay ng bangka patungong Sabah.
Mula rito ay bumiyahe ang tatlo patungong Indonesia, Singapore at Malaysia.
Nitong nakaraang linggo ay naaresto si Shiela kasama si Cassandra Li Ong sa Batam, Indonesia bago pa sila makasakay sa ferry pabalik ng Singapore, habang si Alice ay naaresto sa Jakarta nitong Biyernes.
Samantala si Wesley ay huling namonitor na patungong Hong Kong.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Sr., sa kasalukuyan ay nakikipagkoordinasyon na sila ng PNP sa Indonesian Police at mga counterparts sa Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa pagsuko ni Wesley, na pinaniniwalaang gambling executive sa illegal na operasyon ng POGOs sa bansa.