Kung lalabas na may ‘utak’ sa Bamban POGO Alice Guo pwedeng state witness
MANILA, Philippines — Maaaring maging state witness ang pinatalsik na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kung lalabas sa isinasagawang imbestigasyon na may mas malaking taong nasa likod ng iligal aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub, ayon sa tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ) sa news forum sa Quezon City.
“If for example, may makita tayong mas malaking tao sa investigation, hindi na magiging most guilty si former Mayor Alice Guo,” ani DOJ Asec Mico Clavano.
Sa kasalukuyan, si Guo ang lumalabas na most guilty kaya hindi maaring gawin siyang state witness.
Isa pang kailangan para tumayong state witness si Guo, ay depende kung makikipagtulungan siya sa mga awtoridad.
Una nang sinabi ni Clavano na hindi ipagwawalang-bahala at kailangang imbestigahan din ang sinabi ni Guo kay DILG Secretary Benhur Abalos na naka-post sa Facebook account nang puntahan sa Jakarta, na “Sec, patulong. May death threat po kasi ako” na sinasabing dahilan ng pagpuslit palabas ng Pilipinas.
Sa nasabing forum nitong Sabado ay kinumpirma ni Abalos na nagbunyag na si Guo na may malalaking tao na sangkot at nanganganib ang kaniyang buhay, kaya pinayuhan niya na isiwalat na ang lahat ng nalalaman at bibigyan naman siya ng proteksyon ng gobyerno.
“Lahat ng alam niya ibuga niya, sabihin niya sa Senado. Sabihin niya sa mga otoridad,” ani Abalos.
Nahaharap si Guo sa reklamong money laundering at human trafficking na nag-ugat sa iligal na POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Naibalik si Guo sa bansa nitong Biyernes.
- Latest