MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-aralan ang paggamit ng weirs sa mga flood control program ng bansa.
Ayon sa Pangulo sa ginanap na situation briefing sa sa bagyong Enteng sa Antipolo City, na sa pamamagitan ng weirs, hindi agad maibubuhos ang tubig sa low-lying communities partikular ang Rizal at Metro Manila.
“Bakit hindi tayo gumagamit ng weir? A weir is not a dam. Dumaraan ‘yung tubig but you can control the level of the water by the weir. It’s just that I see them in other places and it’s really effective. (Bakit) wala tayong ganun?” sabi ng Pangulo.
Nakita na aniya ito sa maramimg lugar at tila epektibo naman na isang lumang teknolohiya, kaya dapat itong isama sa ating disenyo para sa flood control.
Pag-aralan din dapat aniya kung sino pa ang pinakamagaling na gumamit ng weir.
Dagdag pa ng Pangulo, na ang Europeans ay matagal nang gumagamit nito sa pagkontrol sa baha.
“Because I know it’s effective. Very adaptable sa atin ‘yan. I bring it up because of what I saw in the video, ang bilis ng tubig. Kung hindi ganun kabilis ang tubig then ‘yung fatalities natin first, baka ‘yung ilan doon hindi na nalunod. This is a technique that is very effective when it comes to flood control,” pahayag pa ni Pangulong Marcos.
Ang weir ay isang maliit na pangharang sa ilog na nakapagko-kontrol sa daloy ng tubig.