Pangulong Marcos: Indonesia walang demand na ‘prisoner swap’
MANILA, Philippines — Itinanggi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mayroong “demand” ang Indonesia para maibigay sa kustodiya ng Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa isang ambush interview sinabi ng Pangulo na walang demand na prisoner swap and Indonesia.
Paliwanag ni Marcos, lumabas lamang ang isyu ito sa isang pahayagan sa Indonesia subalit hindi pa ito opisyal, bagamat hindi aniya naging simple ang pagpapauwi kay Guo sa Pilipinas.
“Hindi naging simple ang pag pauwi ni Alice Guo dito sa Pilipinas. It wasn’t simple at all. We were negotiating very intricate, very sensitive and very delicate details for the last, what, maybe 48 hours,” ayon pa sa Pangulo.
Kinausap rin aniya nila ang mga kaibigan sa Indonesia at dahil sa pagpunta niya sa ibang mga bansa kaya naging malapit sila ni President Joko Widodo at napakiusapan ito na kunin at ibalik sa Pilipinas si Guo.
“Eh naging bahagi yun kaya’t kahit na hindi ganun kasimple ang pag transfer, ating napakiusapan naman ang ating mga kaibigan sa Indonesia na bayaan na ang Pilipinas na kunin na siya at ibalik dito sa Pilipinas,” pahayag pa ni Marcos.
Nauna nang naiulat na mayroong kahilingan ang Indonesia na i-swap kay Guo si Gregor Haas na isang Australian na wanted sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking na naaresto sa Cebu noong Mayo.
- Latest