Valenzuela gas station, na may 56,974 litro ng unmarked fuel, pinadlak ng BOC
MANILA, Philippines — Kaagad na ipinadlak at sinelyuhan ng mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) kamakalawa ang isang local refilling gas station sa Valenzuela City matapos na matuklasang tatlo sa mga tangke nito ang naglalaman ng mga unmarked fuel na nagkakahalaga ng P3.1 milyon.
Ayon kay Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bien Rubio, tatlo sa apat na tangke ng Roden Refilling Gas Station sa Ugong, Valenzuela City ang nabigo sa fuel mark test na isinagawa ng CIIS-MICP at Enforcement Group-Fuel Marking agents.
Ibinahagi naman ni BOC-CIIS Director Verne Enciso na nagtungo ang mga ahente sa naturang gas station upang magsagawa ng Chain of Custody Activities, na kinabibilangan ng marking, sampling, at testing ng mga langis mula sa source, carrier vehicle/vessel, at destination retail/fuel stations o storage.
Ipinaliwanag ng BOC official na ang unmarked fuel, o kawalan ng opisyal na fuel marker, ay indikasyon ng hindi pagbabayad ng kinakailangang duties and taxes.
Ang mga fuel markers ay ginagamit rin na garantiya sa integridad ng produkto at proteksiyon laban sa counterfeiting at tax fraud.
Sinabi naman ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy na ang fuel tanks na may numerong isa hanggang tatlo at bumagsak sa isinagawang fuel mark testing, ay naglalaman ng 19,196 litro ng premium gasoline, 18,680 litro ng unleaded gasoline, at 19,098 litro ng blended diesel.
Sa apat na tangkeng sinuri, tanging ang ikaapat na tangke lamang umano, na may lamang 4,000 litro ng blended diesel, ang pumasa sa fuel marking test.
Kasunod naman ng failed marks sa inisyal na pagsusuri, ang mga fuel samples ay sasailalim sa confirmatory testing ng SGS Main Laboratory.
Pansamantala namang ipinadlak at sinelyuhan ng BOC ang naturang gas station at nagpaskil ng tarpaulin na nagbababala sa mga potential buyers nito.
- Latest