MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag na ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) matapos na magpakuha ng larawan kasama ang naarestong si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang sunduin ito sa Indonesia.
Ito ay kasunod na rin nang pag-ani ng batikos ng mga ahente ng NBI at BI matapos na kumalat sa social media ang kanilang larawan kasama si Guo nang sunduin nila ito sa Indonesia at ibalik sa Pilipinas.
Ayon kay DOJ Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, inatasan na ni Remulla ang mga opisyal ng NBI, na pinamumunuan ni Director Jaime Santiago, at ng BI na pinagmumunuan naman ni Commissioner Norman Tansingco, upang isyuhan ng show cause order ang kanilang mga tauhang makikita sa larawan upang bigyan sila ng pagkakataong makapagpaliwanag.
Sinabi ni DOJ na maaaring idinukomento lamang ng mga tauhan ng NBI at BI ang matagumpay nilang pagsundo kay Guo sa Indonesia.
Gayunman, hindi naman anila ito excuse para ipaskil pa ang mga larawan sa social media.
Tiniyak naman niya na bibigyan naman nila ng due process ang mga tauhan ng NBI at BI.
Matatandaang ilang larawan ang kumalat sa social media, kung saan makikita ang mga tauhan ng NBI at BI habang naka-pose kasama si Guo.
Sa isang larawan naman ay makikitang nagpapa-cute pa si Guo, kasama naman sina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief PGen Rommel Marbil.