Kaya umalis ng Pinas
MANILA, Philippines — Matinding banta sa buhay mula umano sa Chinese mafia ang dahilan ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo kaya umalis ng bansa, ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos.
Dumating si Guo kasama sina Abalos at PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil bago mag ala-1 ng madaling araw sakay ng isang chartered plane.
Ayon kay Abalos, sinabi sa kanya ni Guo na napilitan itong tumakas palabas ng bansa dahil na rin sa mga banta sa kanyang buhay.
Payo ni Abalos kay Guo, sabihin ang totoo, at handa namang magbigay ng proteksiyon ang pamahalaan sa kanya kung kinakailangan.
Dito na rin aniya sila nagbase kaya kumuha ng private plane upang masiguro ang seguridad ng dating alkalde.
Dagdag pa ni Abalos, binigyan sila ng ultimatum ng Indonesian government na pakakawalan nila si Guo kung hindi agad ito susunduin.
Nilinaw din ni Abalos na walang ginastos ang pamahalaan sa pagsundo kay Guo sa Indonesia dahil ang charterted plane na kanilang ginamit ay pahiram lamang ng kanyang kaibigan.
Itinanggi rin ni Abalos na may special treatment kay Guo na kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.
Aniya, sumailalim sa normal booking procedure si Guo at nakasuot ng orange tshirt na may markang CIDG detainee, pinosasan, kinuhanan ng mugshot at walang cellphone sa loob ng kulungan.
Hindi rin niya batid na kinuhanan sila ng picture habang “nagpapacute” si Guo.