Alice Guo ‘di nagpiyansa sa Tarlac court
MANILA, Philippines — Hindi nagpiyansa sa Capas, Tarlac Regional Trial Court Branch 109 si dating Bamban Mayor Alice Guo kaugnay ng kasong Anti Graft and Corrupt Practices Act na isinampa ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa kanya.
Ayon sa legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David hindi muna sila magpipiyansa at sa halip ay hihilingin sa korte na manatili muna si Guo sa kustodiya ng PNP Custodial Facility sa Camp Crame. Nasa P180,000 ang piyansa ni Guo sa dalawang kaso.
“Hindi naman urgent ‘yan. Nakakulong pa rin dahil sa warrant ng Senado. Saka na ‘yung pagpo-post ng bail. ‘Pag na-cease na ‘yung warrant sa Senate, ‘pag nag-cooperate, saka na namin aasikasuhin ang bail,” ani David.
Subalit ayon naman kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, kung mananatili ang status quo order, mag-iisyu naman ang korte kung saan idedetine ang sinibak na alkalde.
“Explain lang natin dahil ‘yung warrant of arrest na in-issue ng Capas takes precedence over the arrest warrant issued by the Senate. So kung magkakaroon ng hearing ulit ang Senado at nasa custody pa siya ng PNP at hindi pa nakakapag-bail ang ibig sabihin nun ay nasa hurisdiksyon pa rin siya ng korte,” ani Fajardo.
Ipinag-utos ng RTC Capas, Tarlac na mananatili muna si Guo sa kustodiya ng PNP.
- Latest