MANILA, Philippines — Mananatili at lalakas pa bilang isang severe tropical storm ang bagyong Enteng sa Miyerkules at maaabot ang peak category ng bagyo hanggang Huwebes o Biyernes.
Alas-5 ng hapon kahapon, namataan ng PAGASA ang sentro ni Enteng sa bisinidad ng Maddela, Quirino at kumikilos pahilaga hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
SI Enteng ay may lakas na hangin na umaabot sa 85 km bawat oras at pagbugso na 105 km bawat oras,
Dulot nito, nakataas ang Signal number 2 ng bagyo sa Ilocos Norte, Apayao, eastern portion ng Kalinga, Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, at northern portion ng Aurora.
Signal number 1 naman sa Metro Manila, lalawigan ng Rizal, Batanes, Ilocos Sur, La Union, eastern portion ng Pangasinan, Abra, nalalabing bahagi ng Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Aurora, Nueva Ecija, eastern portion ng Bulacan, northeastern portion ng Laguna, at northern portion ng Quezon kasama na ang Polillo Islands.
Higit na lalakas ang ulan dulot naman ng epekto ng Habagat sa mga lugar sa Luzon at Visayas laluna sa kanlurang bahagi nito.
Ngayong madaling araw ng Martes, September 3, ang bagyo ay kikilos pakanluran hilagang kanluran at inaasahang magdadala ng mga pag-uulan sa mainland Luzon.