MANILA, Philippines — Tiyak na mapapalaban umano si Mayor Vico Sotto sa darating na 2025 midterm election matapos manumpa na bilang miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas ang tinawag nitong “winnable mayoralty bet” nito sa Pasig City.
Ilang linggo bago ang filing ng Certificate of Candidacy sa Oktubre 2024 ay ipinahiwatig ng administration party na PFP ang kahandaan nitong tapatan ang kasalukuyang alkalde ng Pasig City na tumatakbo sa kanyang ikatlo at huling termino.
Pinangalanan ni PFP secretary general Tom Lantion ang kilalang lead advocate ng charity works sa Pasig na si Sarah Rowena Discaya bilang potential na pambangga sa reeleksiyunistang alkalde.
Si Discaya, na mas kilala sa tawag na “Ate Sarah,” ay nanumpa bilang opisyal na miyembro ng partido ni Pangulong Bongbong Marcos.
Kasama niyang nag-take oath kay retired Gen. Lantion ang kanyang asawang si Curlee at mga community leader na kanilang kabalikat sa paghatid ng tulong sa mga kabarangay, partikular sa mga maralitang taga-lungsod.
Ayon kay Sec. Gen. Lantion ay wala pang pormal na pagsang-ayon si Ate Sarah sa plano ng PFP na pagpatakbo sa kanya, pero malakas umano ito na pambato sa Pasig mayoralty race dahil matagal na siyang kilala ng mga Pasigueño bilang mabait, matulungin at edukadang maka-masa.
Katunayan, ayon sa nasabing opisyal ng PFP ay ang St. Gerrard Charity Foundation na pinamamahalaan ng pamilya Discaya ang kinikilala ng maraming Pasigueños na panibagong City Hall dahil sa iba’t ibang tulong pang-edukasyon at ayudang medikal na ibinabahagi sa mga nangangailangan.