Pahayag ni Espenido na ‘biggest crime group’, ikinadismaya ng PNP
MANILA, Philippines — Ikinadismaya ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni Lt. Col. Jovie Espenido sa isang hearing sa House Quad committee na ang PNP ay isang “biggest crime group” sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, ang mga akusasyon ni Espenido ay seryoso at ikinagulat ito ng buong organisasyon ng PNP.
Hindi aniya biro ang naging akusasyon ni Espenido na mismong ang PNP ang sindikato na nilalabanan din ng kapwa pulis.
Aniya, nakaka-demoralize ang pahayag ni Espenido dahil maraming pulis na tapat at nagbuwis ng buhay para gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Magkakaroon umano ito ng batik sa integridad ng PNP pero hindi dapat maging balat sibuyas ang kapulisan at dapat ay mas gawin itong challenge o hamon sa PNP upang patunayan na hindi sila ganoon.
Handa naman aniya ang PNP na tulungan si Espenido kung mayroon nga itong hawak na matibay na ebidensya na magpapatunay sa korapsyon ng ilang tiwaling pulis.
Subalit kung hindi naman aniya ito mapatutunayan, maaari siyang managot sa kanyang ginawang pahayag at maaaring mabigyan ng kaukulang kaparusahan dahil sa kanyang ginawa.
Tiniyak ng PNP na malakas at tuloy pa rin ang kanilang kampanya laban sa illegal drugs ng hindi nasasakripisyo ang karapatang pantao ng isang indibiduwal.
- Latest