MANILA, Philippines — Asahan na muli ang balasahan sa Philippine National Police (PNP) sa susunod na linggo kasunod ng pagreretiro ni Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Emmanuel Peralta bilang No. 2 man ng ahensiya.
Nagretiro kahapon si Peralta, sa edad na 56 at naghakot na ng kanyang mga gamit sa kanyang opisina sa Kampo Crame.
Sa pagreretiro ni Peralta bilang number 2 man ng PNP at kung masusunod ang nakasanayan ay posibleng pumalit sa kanyang puwesto ang kaklase nito sa Philippine Military Academy Class 91 na si Police Lt. Gen. John Michael Dubria, na kasalukuyang Deputy chief for operation o No. 3 man ng PNP.
Habang ang Chief of Directorial Staff o number 4 man ng PNP na si Lt. General Jon Arnaldo ay aakyat naman ng puwesto at papalit sa iiwanang pwesto ni Dubria.
Kandidato naman sa nabakanteng posisyon ni Arnaldo bilang number 4 man ng PNP sina NCRPO Director Jose Melencio Nartatez Jr; Lt. Gen. Robert Rodriguez na kasalukuyang Area Police Commander ng Visayas at Major General Neil Alinsangan na kasalukuyang Comptroller ng PNP.
Posible ding magkaroon ng balasahan sa ibang unit at Regional Directors ng PNP.