PhilHealth bantay-sarado kay Bong Go

MANILA, Philippines — Nangako si Senate committee on health chairperson Senator Christopher “Bong” Go na susubaybayan niya ang plano ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magkaroon ng 30% increase sa case rate bago ang katapusan ng taon.

Sa public hearing kamakailan ng Senate committee on health na kanyang pinamumunuan, hinimok ng mambabatas mula Davao City, ang PhilHealth na taasan ang case rate nito, palawakin ang mga benepisyo at irekomenda ang pagpapababa ng premium contributions ng mga miyembro sa gitna ng pagkakaroon ng labis na pondo sa kaban nito.

Ginawa ng senador ang pangako sa pagsasabing ang Universal Health Care Law ay kumakatawan sa pamumuhunan ng gobyerno sa kalusugan ng taumbayan at sa kinabukasan ng ating bansa.

Sa nasabing pagdinig, iprinisinta ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang mga benepisyong naihatid ng PhilHealth ngayong 2024, tulad ng Z benefit para sa breast cancer, neonatal sepsis, bronchial asthma, Konsulta expansion, at hemodialysis benefit package.

Kasama rin sa serbisyo sa nalalabing panahon ng taon ang para sa physical and medical rehabilitation, dengue hemorrhagic fever, chemotherapy for lung, liver, ovary, and prostate cancer, ischemic heart disease with myocardial infarction, cataract extraction, at post-kidney transplant, at iba pa.

Hiniling din ni Go sa PhilHealth na i-cover maging ang dental benefits.

Show comments