Utol ni Alice Guo, 1 pang kasama timbog sa Indonesia
Naibalik na sa Pinas
MANILA, Philippines — Naibalik na sa Pilipinas ang kapatid nang nasibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na si Sheila Leal Guo at kasama nitong si Cassandra Li Ong na nahuli sa Indonesia.
Bandang alas-5 ng hapon kahapon nang dumating sa NAIA Terminal 1 sina Guo at Ong, kinatawan ng Lucky South 99, ang POGO na sinalakay sa Porac, Pampanga.
Nagtangka umanong lumabas ng Indonesia sina Shiela at Cassandra nang maharang ito ng Indonesian authorities.
Si Shiela ay may warrant of arrest sa Senado matapos ma-contempt dahil sa ilang beses na pag-snub sa hearing ng komite ni Sen. Risa Hontiveros tungkol sa POGO samantalang si Ong naman ay pinaghahanap ng Kamara.
Sa post ni Sen. Raffy Tulfo sa Meta, sinabi rin nito na nahuli sina Guo at Ong sa Mega Mall Batam Centre, isang mall sa Riau, Indonesia noong Agosto 20. Hindi kasama si Alice Guo sa nahuli at pinaniniwalaang nakapuslit ito.
Pumasok ng Jakarta si Alice Leal Guo, Sheila Leal Guo at Cassandra Li Ong mula Singapore sa pamamagitan ng isang cruise ship.
“Dahil sa intelligence data sharing, ang Philippine Bureau of Immigration ay lumiham sa Indonesian Immigration at nag-request na manmanan ang tatlo at kung mahuli ay agad na maimpormahan sila at i-turnover sa kanila,” ani Tulfo.
Ayon pa kay Tulfo, noong mahuli na sina Guo at Ong ay agad inimpormahan ng Indonesian authorities ang Philippine Bureau of Immigration.
Nitong Agosto 21 lumipad pa-Jakarta, Indonesia ang isang grupo ng Philippine Bureau of Immigration.
Sa halip na idiretso sa Senado kung saan may warrant of arrest si Guo, idiniretso ito sa Bureau of Immigration.
Una nang sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na hindi mapipigilan ng lookout order ng Bureau of Immigration ang pag-alis ni Guo ng bansa dahil tanging ang hold departure order lamang ang maaaring humarang dito.
“Ang immigration lookout bulletin [order] is just a lookout order na ini-issue, parang alert list lang ito na certain individual ay aalis ng bansa at aalamin kung ano ang purpose ng pag-travel niya, saan siya pupunta, gaano katagal at titingnan kung siya ba ay may intensyon na lumabas,” ani Fajardo.
Nilinaw ni Fajardo na ang warrant ng Senado ay bunsod ng hindi pagdalo ni Guo sa pagdinig habang iba naman ang warrant ng korte.
Samantala, batay sa natatanggap nilang report, iginiit ni Abalos na nasa Pilipinas pa si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Abalos, may direktiba na sa mga pulis na tingnan sa bawat sulok ng bansa si Quiboloy para hindi ito makaalis ng bansa gaya ni dismissed Bamban mayor Guo.
Tiniyak ni Abalos na seryoso ang mga kapulisan sa mga naturang kaso, at hindi lang kay Quiboloy at Guo kundi sa lahat na may warrant of arrest.
- Latest