MANILA, Philippines — Kinontra nina Senators Grace Poe at Risa Hontiveros ang planong pagpapatupad ng multa sa mga sasakyang walang RFID o kulang ang load.
Ayon kay Poe, sa ngayon ay marami pa rin ang reklamo ng mga motorista at personal nilang naranasan na ang mga device ay hindi nakakabasa ng mga sticker ng RFID kaya hindi muna dapat ipatupad ang pagpapataw ng multa hangga’t hindi ito naaayos.
“Hindi rin ipinapakita ng ilang device ang natitirang balanse o hindi gumagana ang lahat na mangangailangan ng card para sa manu-manong pagbabayad,” ani Poe.
Ipinaalala ni Poe ang pangako ng Toll Regulatory Board (TRB) na pagpapatupad ng “interoperability” ng Easy Trip at mga serbisyo ng Autosweep sa Hulyo upang gawing mas madali ang paglalakbay.
Nais ding malaman ni Poe kung ano ang ginagawa ng TRB tungkol sa mga may sira na RFID device.
Ayon naman kay Hontiveros, malaking halaga ang ibinabayad ng mga consumers kapalit ang mararanasan nilang convenience sa biyahe pero marami rin ang nagrereklamo sa mga hindi gumaganang mga scanners na nagiging dahilan ng traffic.
Dapat din aniyang may option na cash lanes para sa mga motorista na hindi palaging dumadaan o gumagamit ng expressways.
“Bago magpatupad ng multa sa motorista, kailangan munang ayusin ang mga isyung patuloy nilang hinaharap. Dapat panagutin din ang management para sa palpak sa sistema gaya ng depektibong scanner. Kailangang gumagana ang batas sa parehong panig,” ani Hontiveros.