MANILA, Philippines — Ikinalaboso na sa detention facility ng Kamara nitong Huwebes ng gabi si dating Presidential spokesman Harry Roque matapos patawan ng contempt dahil umano sa pagsisinungaling sa isinasagawang imbestigasyon sa war on dugs ng nakalipas na administrasyon.
Naghain ng mosyon si Kabayan Partylist Rep. Ron Salo na i-contempt si Roque matapos hindi dumalo sa unang pagdinig ng Quad Comm sa Bacolor, Pampanga noong Agosto 16.
Sa kaniyang liham ay idinahilan ni Roque na may kasabay umano ang pagdinig sa Manila Regional Trial Court kung saan counsel ito sa isang kaso, gayunman ayon kay Salo sa nakuha niyang sertipikasyon ng korte ay walang itinakdang pag-uusig na dinaluhan si Roque ng nasabing araw.
Sa paliwanag ni Roque, isa umano itong ‘honest mistake’ dahil akala niya ay Huwebes (Agosto 15) ang pagdinig ng Quad Comm dahil nasa tradisyon na sa Kamara na walang isinasagawang pagdinig kapag Biyernes at ng mabatid naman niya kinabukasan na nagkamali siya ay ‘di na siya makakahabol kasi ang pagdinig ay isinagawa sa Pampanga.
Bukod dito ay may dala ring medical certificate si Roque na nagsasaad na masama ang pakiramdam nito kaya ‘di nakadalo sa pagdinig noong Biyernes na kinuwestiyon naman ni Quezon Rep. Reynan Arrogancia na tila napaghandaan na umano ng una.
Inihayag naman ni Salo na bilang bahagi ng personal na konsiderasyon dahil si Atty. Roque ay dati niyang Professor ay nais niyang maikli lamang ang panahon na ilagi nito sa detention cell ng Kamara.
Dahil dito, si Roque ay pinatawan ng 24 oras na pagkakaditine ng Quad Comm sa halip na 10 araw na siyang pinaka-maximum na kaparusahan.