MANILA, Philippines — Mariing hinikayat ni dating Manila Mayor at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang mga Pilipino na huwag kalimutan ang kahalagahan ng Agosto 21 sa kasaysayan ng ating bansa tulad nang pagpapasabog sa Plaza Miranda noong 1971 at ang pagpatay kay dating senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. noong 1983.
“Dapat tayong mga Pilipino ay huwag kalimutan ang Agosto 21 na isang araw ng kapighatian. Alalahanin natin ang kahalagahan ng dalawang pangyayaring ito sa ating kasaysayan bilang isang bansa,” ayon pa kay Atienza.
Malinaw na rin aniya na ang Plaza Miranda bombing ay pinlano at isinagawa ng mga kaaway ng estado, ang New People’s Army (NPA), ayon sa mga umamin sa pakana ng malupit na pag-atake gamit ang granada sa mga miyembro ng oposisyon at hindi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na siyang unang inakala ng marami.
Bilang dating alkalde ng Maynila, sinabi ni Atienza na hinukay nila ang katotohanan kaya natiyak niya na ang NPA ang may sala sa mababang uri ng pag-atake sa Liberal Party rally, kung saan siya ay isang batang kandidato para sa City Council.
Ang pagpapalit din ng petsa ng pag-alala sa pagkamatay ni Ninoy na mula sa Agosto 21 at inilipat sa Agosto 23 ay hindi nakakababa sa halaga ng kanyang sakripisyo at patriotismo.
Dagdag pa ni Atienza, palagi nating alalahanin ito ng may pagmamahal at manatili itong buhay sa ating mga puso at isipan.