MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ito ng isang bagong kaso ng mpox (dating monkeypox) sa Pilipinas.
“Following heightened surveillance due to the recent declaration by the World Health Organization of mpox (formerly monkeypox) as a Public Health Emergency of International Concern (PHEIC), the DOH has detected one new case of mpox in the Philippines,” anunsiyo ng DOH.
Ayon sa DOH, ito na ang ika-10 kaso ng laboratory-confirmed mpox na naitala sa bansa at naiulat noong Agosto 18, 2024 lamang.
Ang pasyente ay isang 33-taong gulang na lalaki na taga-Metro Manila, na walang travel history sa labas ng Pilipinas, ngunit may close, intimate contact, tatlong linggo bago nakitaan ng sintomas ng sakit.
“Symptoms started more than a week ago with fever, which was followed four days later by findings of a distinct rash on the face, back, nape, trunk, groin, as well as palms and soles,” anang DOH.
Dinala ang pasyente sa isang government hospital, kinuhanan ng specimens mula sa skin lesions at sinuri gamit ang real-time polymerase chain reaction (PCR) test, kung saan natukoy na positibo nga ito sa Monkeypox viral DNA.
Ang mpox ay maaaring maihawa sa tao, sa pamamagitan ng close, intimate contact sa isang taong may karamdaman, sa kontaminadong materyales gaya ng damit o utensils, o maging sa infected animals.
Pagtiyak naman ng DOH, ang virus na ito ay maaaring mapatay gamit lamang ang sabon at tubig ngunit dapat anilang gumamit ng guwantes o gloves kung huhugasan o lilinisin ang mga kontaminadong kagamitan.