MANILA, Philippines — Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Rizal Rep. Emigdio “Dino” Tanjuatco III sa posibilidad ng ‘failure of election’ dahilan sa kuwestiyonableng Comelec-Miru deal.
Sinabi ni Tanjuatco na siyam na buwan na lamang ang nalalabi at muling boboto ang mga Pilipino sa 2025 midterm elections pero magpahanggang ngayon ay kuwestiyonable pa rin ang P18 bilyong kontrata ng Comelec sa South Korean firm Miru Systems Co. Ltd.
Ayon kay Tanjuatco, miyembro ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, kapag sumablay ang mga Vote Counting Machine (VCM) ng Miru sa mismong araw ng midterm election sa Mayo ng susunod na taon ay apektado nito ang buong bansa kaya bago ang halalan ay dapat ng masagot ang naturang mga isyu.
Una nang kinuwestiyon ni Tanjuatco ang paggamit ng mga prototype VCM sa ginawang demo noong Pebrero kung saan ay non-compliant ito sa itinatakdang AES sa Procurement Terms of Reference at ipinagbabawal din sa Automated Election Law.
Base sa report, nais ng Miru na gumamit ng hybrid Automated Counting Machines Direct Recording Electronic (DRE) at Optical Mark Reader (OMR) na umano’y hindi pa dumaan sa aktuwal na pag-test dito. Ayon pa sa report, pumalya ang paggamit ng Miru ng DRE at OMR systems sa ginanap na eleksiyon sa Iraq at Democratic Republic of the Congo.
Kaugnay nito, nanawagan muli ang solon na ibasura na ang Comelec-Miru deal para mapanatili ang integridad ng 2025 midterm election sa bansa.
Sa halip ay isinuhestiyon ng solon na gamitin na lamang ng Comelec ang kasalukuyang 97,000 VCMs na nasa pag-iingat ng poll body na ginamit sa mga nakalipas na halalan at naging matagumpay naman.