Agricultural pension sa mga magsasaka, mangingisda inihirit sa Kamara
MANILA, Philippines — Isinusulong ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na mabigyan ng pensyong pang-agrikultura ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa sa kanilang pagtanda.
Sa inihain niyang House Bill No. 10740, ikinatuiwran ni Ordanes na sa kabila ng napakahalagang bahagi ng mga magsasaka at mangingisda sa ekonomiya at buhay ng sambayanan, nananatiling isa sila sa mga pinakamahirap na sektor sa Pilipinas.
Importante umano ang mga magsasaka at mangingisda sa seguridad sa pagkain sa bansa at sila ang nagpapasigla ng kabuhayan sa mga kanayunan.
Paliwanag pa ni Ordanes, inihain niya ang panukalang-batas upang sa pagtanda ng mga nasa sektor ng agrikultura ay may regular silang matatanggap na pensyon para sila ay may pangtustos sa kanilang mga pangangailangan, partikular ng mga gamot.
Naniniwala rin ito na ang pagbibigay ng pensyon sa mga magsasaka at mangingisda ay makakapanghikayat sa mga kabataan na ikunsidera ang sektor ng agrikultura bilang paraan ng regular na pagkakakitaan at kanilang ikabubuhay.
Katuwiran pa ni Ordanes ang pagbibigay pensiyon sa mga magsasaka at mangingisda ay munti ngunit napakahalagang pagkilala sa kanilang ambag sa pang-araw araw na buhay ng kanilang mga kapwa Filipino.
- Latest