MANILA, Philippines — Kinatigan ng Commission on Human Rights (CHR) ang mungkahi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na maitaas sa P100 ang daily food allowance ng bawat preso at P30 budget para sa gamot.
Kaugnay nito, nanawagan ang CHR sa Kongreso na bigyang aksyon ang panawagan ng BJMP na maitaas ang naturang allowance ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) bilang pagtrato sa mga ito na isang mamamayan na may paggalang at dignidad.
Sa kasalukuyan, ang bawat PDLs ay may P70 daily food allowance at P15 kada preso sa gamot.
Binigyang diin ng CHR na State Party ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) ang Pilipinas at may obligasyon na sundin at igalang ang mga karapatan ng lahat ng mamamayan kabilang ang mga PDLs kasama na ang pagkakaloob ng sapat na pondo para sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan tulad ng pagkain at serbisyong medikal.