MANILA, Philippines — Ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkain ng shellfish products tulad ng tahong, halaan at talaba na mula sa 12 baybayin sa bansa dulot ng pagtaas ng red tide toxin.
Sa inilabas na shellfish bulletin ng BFAR kahapon, napatunayang mataas sa lason ng red tide ang mga baybayin ng Dumanquillas Bay, Zamboanga del Sur; San Benito, Surigao del Norte; Daram Island, Zumarraga Island, Irong-Irong Bay, Villareal Bay, Cambatutay Bay, at Maqueda Bay, pawang sa Samar; Matarinao Bay, Eastern Samar; Cancabato Bay, Leyte; Puerto Bay, Puerto Princesa City, Palawan at Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Niliwanag ng BFAR na maging ang alamang na mula sa naturang lugar ay bawal ding kainin.
Ligtas namang kainin ang isda, pusit, hipon at alimango mula sa naturang mga baybayin basta linising mabuti bago lutuin at kainin.
Ang mga makakakain ng shellfish products na may lason ng red tide ay maaaring sumakit ang kalamnan, sumakit ang ulo, magsuka at mag-diarrhea na maaaring ikamatay nito.