MANILA, Philippines — Itinanggi ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na kilala niya ang lumantad na star witness na dating Customs Intelligence Officer na nagdawit sa kanya sa umano’y drug smuggling ng nakumpiskang P11 bilyong shabu na itinago sa magnetic lifter noong 2018.
“Hindi ko po kilala si Jimmy Guban at sigurado ako na hindi rin niya ako kilala. Wala kaming anumang transaction o ugnayan kaya walang rason na siya ay pagbantaan kung babanggitin man niya ang pangalan ko,” pahayag ni Pulong.
Bukod kay Pulong, idinawit din ni Guban ang mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio at dating Presidential Economic Adviser Michael Yang sa shabu smuggling.
“Nais ko pong ipaalala sa taumbayan na ang salitang “star witness” ay humahalimbawa lamang sa mga taong nagsasalita ng katotohanan lamang at may kredibilidad,” buwelta ni Duterte.
Sinabi ni Duterte na hindi umano puwedeng star witness si Guban dahil minsan na itong na-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee dahil umano sa pagsisinungaling.
Si Guban ay lumantad sa kauna-unahang pagdinig ng binuong Quadruple Committee ng Kamara na nag-iimbestiga sa illegal na droga, Extra Judicial Killings (EJK) at mga krimen sa likod ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Idinawit ni Guban si Duterte, Carpio at Yang sa umano’y drug smuggling sa Bureau of Customs na itinatago sa mga kontrabando kabilang sa mga produktong agrikultura at maging ang nakumpiskang P11 bilyong shabu shipment na itinago sa magnetic lifter noong 2018.
Magugunita na habang nililitis ang kaso ay binawi ni Guban ang kaniyang naunang pahayag laban kay dating P/Col. Eduardo Acierto na una nitong itinuro na nagmamay-ari ng nasabing bulto ng shabu shipment. Sa nasabing kaso si Guban ay nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakabilanggo nitong nakalipas na taon.
Ibinunyag naman ni Guban na idiniin umano siya sa kaso matapos na tumanggi siya sa nais nina Duterte, Yang at Carpio na ituro si dating senador Antonio Trillanes IV na siyang nasa likod ng drug shipment.