MANILA, Philippines — Aabutin pa ng 14 bagyo ang mararanasan ng bansa hanggang Disyembre ngayong taon.
Bunga nito, sinabi ni Joey Figuracion ng Climate Monitoring and Prediction ng PAGASA na dapat maging handa at mag-ingat ang mamamayan laluna sa Metro Manila dahil ang dalang ulan sa panahon ng La Niña ay mas doble ang dami kaysa sa karaniwang ulan.
Anya, sa Oktubre hanggang Disyembre mararamdaman ang mas maraming bagyo dahil karaniwang pumapasok ang mula dalawa hanggang tatlong bagyo sa naturang mga buwan.
Nilinaw naman ni Figuracion na mas matindi ang nararanasang pag-ulan sa ngayon dulot naman ng epekto ng habagat.
“Noong panahon ni Carina ay ang habagat ang nagpalakas dyan kaya matindi ang ulan. Sa Northern Part ng Metro Manila sa Camanava area ay naging mas matindi ang bumagsak na ulan diyan dahil yung hangin naman ay nag force-up sa may Norte at sa pagtaas ng hangin ay nahigop nito ang kulumpon ng ulap sa bahaging ‘yan kaya’t sa pagbagsak ng ulan ay mas marami kaya hindi makapaniwala ang ilan na may mga subdivision na dati’y hindi binabaha, pero noong kay bagyong Carina ay marami ang binaha,“ paliwanag ni Figuracion.
Sinabi pa ni Figuracion na iba-iba ang nararanasang epekto ng bagyo depende sa lokasyon. Mas palagian anyang nakakaranas ng ulan ang mga lugar na malapit sa kabundukan tulad sa Bulacan.
Ngayong linggong ito ay wala pa namang namomonitor na bagong bagyo ang PAGASA.