MANILA, Philippines — Sasagutin na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang doctors fee ng mga pasyenteng naka-confine sa mga ospital.
Ito’y matapos ang pakikipagpulong nitong Miyerkules ni Speaker Ferdinand Romualdez kina PCSO General Manager Melquiades Robles at Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Hector Santos Jr.
“Nagpapasalamat tayo dito sa ating GM ng PCSO at sinagot niya po ang hinaing ng ating health care professionals lalo na dito sa isyu ng professional fees,” pahayag ni Romualdez.
Sinabi naman ni Robles kay Romualdez na simula sa katapusan ng Oktubre ng taong ito, masasaklaw na ang coverage sa professional fees para maibsan ang pasanin ng mga maysakit na naka-confine sa mga ospital.
“All medical practitioners will (then) be covered by the government under the auspices of the charity agency under the auspices of the PCSO so that health care will be totally free,” anang Speaker.
Dahil dito, sinabi ni Romualdez na malapit ng maging reyalidad ang hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaloob ng libreng pagpapaospital para sa lahat ng mga Pilipino.
“Libre ang health care para sa lahat ng Pilipino, ‘yun po ang ating nais, at ‘yun po ang sinabi ng ating Presidente Ferdinand R. Marcos, Jr.,” sabi pa ni Romualdez.