MANILA, Philippines — Hindi itinuturing na mahirap ang mga Pilipinong gumagastos ng nasa P21.3 kada pagkain, ayon sa kasalukuyang sukatan ng gobyerno upang masukat ang kahirapan.
Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado, tinanong ni Sen. Nancy Binay si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan kung ano ang threshold para sa kahirapan sa pagkain.
Sinabi ni Balisacan na sa accounting para sa inflation, ang threshold ay P64 kada araw para sa tatlong pagkain, o humigit-kumulang P21.3 kada pagkain kada tao. Tumaas na ang halaga mula 2021, na noon ay nasa P55 kada araw.
Para kay Sen. Grace Poe, hindi na napapanahon ang nasabing sukatan.
“When you compute poverty thresholds with an old number which is not, obviously not workable anymore, P20 per meal, hindi totoo ‘yung poverty forecast ninyo,” ani Poe.
Inamin ng kalihim ng NEDA na luma na ang bilang, dahil itinakda ito mahigit isang dekada na ang nakalipas. Gayunpaman, ipinaliwanag niya na hindi NEDA ang nagtakda nito.
Ayon kay Balisacan, ang computation para sa basket ay mula sa mga inirerekomendang food items mula sa Department of Health at Food and Nutrition Research Institute. Ibinigay lang ng NEDA ang mga numero.
Sinabi naman ni Sen. Nancy Binay na hindi tumutugma ang mga bilang sa kung ano ang kailangan para mabuhay ang mga tao nang higit sa minimum na pangangailangan.
Naniniwala si Sen. Joel Villanueva na dapat ng palitan ang halaga ng sukatan kung ang isang tao o pamilya ay maituturing na “food poor.”