MANILA, Philippines — Sinimulan na kahapon ng Department of Agriculture (DA) ang operasyon ng anim na livestock checkpoints na nailagay sa iba’t-ibang strategic locations sa Metro Manila at Southern Luzon upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng mga alagang baboy na may sakit na African Swine Fever (ASF) sa National Capital Region at makalusot sa Central at Northern Luzon.
Ayon kay DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa, 24/7 ang operasyon ng livestock checkpoint matapos na magdeklara ng state of calamity ang lalawigan ng Batangas dulot nang pagtama ng ASF sa walong mga bayan doon.
Kabilang sa mga lugar na makikita ang naturang checkpoint sa Commonwealth Avenue, Mindanao Avenue, Tandang Sora, Edsa-Balintawak sa Quezon City, at sa Marulas at Malanday sa Valenzuela City.
May animal checkpoint din sa Calamba, Laguna; Star Tollway; Sto.Tomas, Batangas at Alfonso, Cavite. Pipigilan ng mga checkpoints na makapasok ang mga baboy na may ASF sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga dahil dito isinasagawa ng DA ang malawakang hog repopulation program ng pamahalaan.
Ang mga checkpoints ay mamanduhan ng mga pulis, mga quarantine officers ng Bureau of Animal Industry at maging ng mga tauhan mula sa mga local government units.