Abogado, na-disbar sa ‘extramarital affairs’
MANILA, Philippines — Dinisbar ng Korte Suprema ang isang abogado matapos mapatunayang mayroong extramarital affairs.
Sa inilabas na per curiam decision ng Supreme Court (SC) en banc, inalis sa roll of attorney ang ‘di pinangalanang abogado matapos mapatunayang guilty sa grossly immoral conduct, na isang paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).
Nabatid na inamin ng abogado na nagkaroon siya ng extramarital relationship sa tatlong babae, sa panahon ng kanyang kasal.
Bukod dito, pumasok rin umano siya sa isang bigamous marriage at nagkaroon ng dalawang illegitimate children.
Nasangkot din umano ang abogado sa sexual harassment, sa kanyang katulong at law secretary, sa pamamagitan nang pagpapakita ng mga pornographic materials sa mga ito at pagkakaroon ng ‘sexually charged conversations.’
Nabatid na pinatawan ng SC ang abogado ng parusang disbarment sa dalawang counts ng kanyang extramarital affair at suspensiyon naman sa dalawang huling kaso.
Inatasan din siya ng mataas na hukuman na magmulta ng P400,001 para sa ikalawa hanggang ikaapat counts ng Grossly Immoral Conduct.
Sinabi rin ng SC na seryosong irerekonsidera kung siya ay mag-a-apply ng reinstatement at judicial clemency.
- Latest