Acting Mayor ng Bamban nanumpa na kay Abalos

MANILA, Philippines — Nanumpa na kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos bilang acting Mayor ng Bamban, Tarlac si Councilor Erano Timbang.

Ayon kay Abalos, si Timbang ang napili ng DILG na pumalit kay dating mayor Alice Guo na sinibak ng Ombudsman.

Paliwanag ni Abalos, ang pagkakapili kay Timbang ay kasunod ng pagkaka-absuwelto ng anti-graft court matapos na kumontra sa pag-isyu ng permit sa sinalakay na POGO hub sa Bamban. Magsisilbi sa loob ng tatlong buwan si Timbang.

“Konsehal siya ng Sangguniang Bayan. Councilor siya pero nag-oppose nung kinukuha ang permit. Since he opposed, he was absolved or acquitted by the Ombudsman,” ani Abalos.

Sinabi rin ni Abalos na inatasan na niya ang DILG regional director na magpasa ng ulat sa pagpuno sa mga bakanteng pwesto kasunod ng suspension sa iba pang mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Martes nang maglabas ng 25 pahinang desisyon ang Ombudsman hinggil sa dismissal ni Guo dahil sa grave misconduct.

Inalisan din ito ng karapatan sa lahat ng kanyang retirement benefits at ang perpetual disqualification sa pag-upo sa anumang opisina ng pamahalaan.

Samantala, matapos ang tatlong buwan ay muling babalik sa puwesto bilang konsehal si Timbang at uupong mayor ang kasalukuyang vice mayor na sa ngayon suspendido naman ng tatlong buwan.

Show comments