MANILA, Philippines — Binigyan ng tig-P2 milyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang may 22 atleta na lumahok sa 2024 Paris Olympics.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa isang heroes welcome na ginanap sa Malakanyang kagabi kung saan mainit na sinalubong ng First Family ang mga atleta.
Inanunsiyo ng Pangulo na galing ang P1 milyon sa Pagcor habang galing naman sa Office of the President ang P1 milyon.
Habang si 2-time gold medalist Carlos Yulo ay binigyan naman ng Office of the President ng P20 milyon, bukod pa sa nakasaad sa National Athletes and Incentives Act, ID card mula sa MTRCB na valid hanggang June 30 2025 at travel tax exemption hanggang June 30, 2028 mula naman sa TIEZA.
Nabatid na magbibigay din ng tig- P500,000 ang Pangulo sa mga coaching staff ng mga atleta.
Humingi naman ng paumanhin ang Pangulo dahil sa aniya ay maliit lang na ipinagkaloob niya sa mga atleta kumpara sa kanilang mga sakripisyo at mga pinagdaanan.
Bandang 7:07 ng gabi nang lumapag ang Philippine Airlines flight 888 na sinasakyang ng mga atleta sa Villamor Air Base mula sa Dubai.
Ang mga atleta ay sinalubong ng kanilang mga mahal sa buhay at hindi tulad ng mga nakagawian na mga opisyal ng gobyerno o opisyal ng militar ang sumasalubong, nasa 50 Grade 4 student ng Villamor Air Base Elementary School ang mga sumalubong.
Paliwanag ng Presidential Communications Office (PCO), ito ay para makita ng mga kabataan ang kahalagahan ng paglahok sa sports o palakasan at maging hamon ito na lahat ng mga Filipino ay maaring maging world champions kapag mayroong sipag at determinasyon.