Hair follicle drug test sa Pangulo, lahat ng halal na opisyal, isinulong sa Kamara

Ang gagamiting sample ay ang hibla ng buhok at ihi para sa mas tumpak na resulta ng drug testing.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na ­isalang sa random drug testing ang Pangulo ng Pilipinas at maging mandatory rin ito sa lahat ng halal na opisyal ng gobyerno para sa mithiing maging drug free ang bansa.

Sa House Bill (HB) 10744 na inihain ni Duterte, isusumite ng ­Pangulo at iba pang mga opisyal ang kanilang sarili sa random drug testing kada anim na buwan.

Ang gagamiting sample ay ang hibla ng buhok at ihi para sa mas tumpak na resulta ng drug testing.

Kasabay nito, hinihikayat din sa nasabing bill na maging ang mga kandidato sa electoral posts ay sumalang din sa drug test 90, araw bago ang halalan kung saan dito’y aamyendahan ng panukala ang Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Considering the initiatives towards the deterrence of drug use and abuse, exemptions or favors in the mandatory nature of random drug testing shall not extend to certain class privilege such as the elected and appointed officials, since it becomes imperative upon their own mandate that they shall lead the life of modesty and integrity,” saad ni Duterte.

Ang awtorisadong mamahala sa drug testing ay mga forensic laboratory ng gobyerno at drug testing laboratories na accredited ng Department of Health (DOH). Ang resulta ng drug test ay may bisa sa loob ng isang taon.

Show comments