MANILA, Philippines — Naghain na ng diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas laban sa China dahil sa nangyaring panggigipit kamakailan sa eroplano ng Philippine Air Force (PAF) ng dalawang sasakyang panghimpapawid ng Chinese Air Force.
Nangyari ang insidente habang ang eroplano ng PAF ay lumilipad sa ibabaw ng territorial waters ng bansa malapit sa Scarborough Shoal sa West Philippines Sea.
Kinumpirma ni Foreign Affairs Spokesperson Teresita Daza ang paghahain ng diplomatic protest laban sa China.
Una nang ipinahiwatig nitong Lunes ni Foreign Secretary Enrique Manalo na ang gobyerno ay maghahain ng protesta sa pinakabagong mga aksyon ng China.
Matatandaan na mariing kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo ang ilegal at mapanganib na aksyon na ginawa ng air force ng China na tinawag ng Malacañang na “unjustified at illegal.”
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Sabado, dalawang sasakyang panghimpapawid ng PLAAF ang nagsagawa ng mga mapanganib na pag maniobra at naghulog ng mga flare sa daanan ng isang NC-212i PAF propeller aircraft na nagsasagawa ng routine maritime patrol sa Scarborough Shoal bandang alas-9 ng umaga noong Huwebes.
Bagaman at walang nasaktang tauhan ng PAF sa insidente, iginiit ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. na nalagay sa panganib ang buhay ng mga tauhan ng PAF na nagsasagawa ng maritime security operations sa loob ng mga maritime zone ng Pilipinas.