MANILA, Philippines — Hihikayatin ni Health Secretary Ted Herbosa ang mga lokal na pamahalaan para magpasa ng isang ordinansa na magbabawal sa paliligo sa baha.
Sinabi ni Herbosa sa isang ambush interview sa Malakanyang na ito ay dahil sa tumataas ang kaso ng leptospirosis sa bansa.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi na mahihirapan pa ang DOH na tugunan ang kaso ng leptospirosis tulad ng sitwasyon ngayon na ginagawang extension ng hospital ang mga basketball court para tugunan ang mga tinamaan ng naturang sakit.
Dagdag pa ng kalihim na apat katao ang namatay sa leptospirosis noong nakaraang dalawang araw lamang.
Maiiwasan naman aniya ang leptospirosis kung hindi maliligo sa baha dahil nakukuha ang nasabing sakit sa ihi ng daga.
Magpapasaklolo na rin ang DOH sa Metro Manila Development Authority (MMDA) para ipagbawal ang paliligo sa baha.
Sa ngayon aniya, patuloy na tumataas ang kaso ng leptospirosis maging ang kaso ng dengue.
Hihikayatin din ni Herbosa ang MMDA na siguruhin na maayos na nakokolekta ang mga basura para hindi bahayan ng daga.
Samantala, nlinaw ng DOH kahapon na sapat pa rin ang mga hospital beds, sa kabila nang patuloy na pagdami ng mga naitatalang kaso ng leptospirosis.
Tiniyak na rin ng DOH na may sapat na suplay sa merkado at mga health centers ng doxycycline, na ginagamit na panlunas sa leptospirosis.