MANILA, Philippines —Umani ng kritisismo mula sa mga mambabatas ang mga umano’y walang basehang pahayag ni Vice President Sara Duterte laban sa administrasyong Marcos.
Ayon kay House Appropriations Committee Vice chairman Jil D. Bongalon ng Ako Bicol Partylist, kung mali ang ginawang paggamit ng pondo ng DepEd dapat ay nagsalita ito noong siya pa ang kalihim ng ahensya.
Sinabi ni Bongalon na sa pagdinig ng Appropriations Committee sa budget ng DepEd hindi si VP Sara ang sumasagot ng mga mahahalagang tanong kundi ang kanyang mga undersecretaries.
Ipinaalala rin ni Bongalan na sa ilalim ng pamamahala ni VP Duterte ay nakapagtala ng poor performance ang Pilipinas sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).
Sinabi naman ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin na kung totoo na mayroong mga problema sa DepEd sana ay tinugunan ito ni VP Duterte na dalawang taong naging kalihim ng ahensya.
Sinabi ni Garin na lumabas sa imbestigasyon ng Kamara na bilyun-bilyong halaga ng libro at mga gamit sa eskuwelahan ang nakatambak sa warehouse at hindi naipamigay sa mga paaralan.
Duda naman si Manila Rep. Joel Chua na naglalabas ng mga kritisismo si VP Duterte upang pagtakpan ang kanyang pagbabakasyon sa Germany habang ang Pilipinas ay sinasalanta ng bagyong Carina.
Bukod sa pagbiyahe sa Germany, hinamon naman nina Zambales Rep. Jay Khonghun at La Union Rep. Paolo Ortega V si VP Duterte sa mga isyu ng P125-M confidential funds na naubos nito sa loob ng 11 araw at ang extrajudicial killings sa Davao City kung saan ito dating mayor bago kung anu-anong kritisismo ang sabihin nito.
Ikinumpara naman ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr. si VP Duterte kay dating VP Leni Robredo na tahimik lamang umanong nagtatrabaho kahit na hindi sinusuportahan ni dating Pangulong Duterte.
Kahit na maasim na umano ang relasyon ng Marcos at Duterte, sinabi ni Bordado na nakuha pa rin ni VP Duterte ang P2.4 bilyong pondo na hiningi nito ngayong taon.