MANILA, Philippines — Nakahanda na ang mga programa at parangal na ibibigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay 2-time 2024 Paris Olympic gold medalist Carlos Yulo.
Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na bibisita sa Malacañang si Yulo at ang iba pang mga Filipino Olympians sa Martes, August 13.
Sa pahayag ng PCO, darating ang mga Olympians sa Martes ng hapon at sasalubungin ng kanilang pamilya sa Villamor Airbase.
Pagkatapos nito ay saka didiretso ang mga atleta sa Phillippine International Convention Center (PICC) kung saan sila sasalubungin ng mga government officials, bago tutulak para sa isang heroes’ parade sa mga key areas sa Manila na magtatapos sa Palasyo.
Sasalubungin din sila ni Pangulong Marcos kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos at ang First Family.
Magkaroon din ng programa kung saan personal silang bibigyan ng parangal ng Pangulo pati na ang kanilang iuuwing insentibo, bilang pagkilala sa hindi matatawarang kontribusyon sa Philippine sports at sa naging performance sa 2024 ParisOlympics.
Bukod kay Yulo ay mag-uuwi rin ng bronze medal sina Aira Villegas at Nesthy Petecio.