MANILA, Philippines — Nakipag-alyansa na ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Nacionalista Party (NP) para sa darating na halalan sa Mayo 2025.
Sinaksihan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Senate president Manny Villar, chairman ng NP, ang paglagda sa kasunduan sa Taguig City.
Ayon sa Pangulo, mas magandang makipagkaisa sa ibang lider politikal kaysa sayangin ang panahon, oras at resources sa pakikipagsalungat sa isa’t isa.
Naniniwala rin si Marcos na ang susi para sa pagsulong ng bansa ay ang pagkakaisa para gawing mabuti at maunlad ang bansa.
Sinabi pa ng punong ehekutibo na ang bawat hangarin ng mga partido ay palakasin ang pundasyon ng bansa para sa ikabubuti ng bawat Filipino.
Samantala, sinabi naman ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na wala pa silang senatorial slate para sa nalalapit na midterm elections.
Ito na ang pang apat na partido politikal na nakipag-alyansa ang PFP, una ay sa Lakas-CMD, Nacionalist Peoples Coalition (NPC) at National Unity Party (NUP).